Gusto Kong Lumipad
Alas cinco na ng umaga. Nagising ka dahil sa ingay ng alarm clock mo sa cellphone. Tinignan ang oras at sinabi sa sariling, “Pwede pa akong matulog ng 10 minutes.” Natulog ka at nagising ulit. Nagising ka, dahil naman sa ingay ng nanay mong sumisigaw, “ANAK, GISING NA! MALE-LATE KA NA NAMAN!”. Nagmadali kang tumayo, lumabas sa kwarto mo at nakita ang orasan na alas siete na pala. ALAS SIETE NA PALA. Kumaripas ka ng takbo sa banyo. Naligo, nagbihis, nag-ayos ng kaunti at nagmadaling pumunta sa kanto para sumakay sa jeep papunta sa iyong eskwelahan.
Nakarating ka na. Dahan-dahan kang naglakad papunta sa iyong silid-aralan. Kinakabahan ka. Alam mong papagalitan ka ng guro mo at ipapahiya sa harap ng mga kaklase.
Sa wakas, natapos na rin ang MAHABANGGGGGGGGGG araw. Nakauwi ka na. Sinabi’t pinangako sa sarili na gigising ka na ng maaga bukas.
KINABUKASAN…
Nagising ka at lumingon sa orasan. Tinitigan mo ito ng mabuti…
“YARE, ALAS SIETE NA.”
Heto ang laging pangyayari sa araw-araw ng buhay ko.
May itatanong ako sa inyo.
Hindi ba kayo nagsasawa sa paulit-ulit na takbo ng buhay?
Ako, oo.
Alam ko na ang iba sa inyo hindi ako maiintidihan, pero gusto ko lang naman ay ang LUMIPAD. Gusto kong maging malaya. Gusto kong maglakbay. Gusto kong lakbayin ang mundo. Gusto kong matuto ng mga kulturang hindi ko nakagisnan at matuto ng mga bagay na hindi itinuturo sa eskwelahan. Gusto kong makakita ng mga bagay na hindi pa nakikita ng karamihan ng tao at makakita ng mga hayop na malalayang namumuhay sa sarili nila.
Ang dami kong gustuhin, no?
Ikaw anong gusto mo sa buhay?




